Tunay na Motibo

Sa elementarya, tinuro kung sino si Jose Rizal, sa sekundarya ipinaliwanag kung sinong mga kasama niya sa paglaban sa giyera at paano nila ito nilabanan. At panghuli, sa kolehiyo binigyang kalinawan kung ano ang nais ipahiwatig ni Rizal sa kanyang mga kababayan. Sa halos limang buwang pag-aaral ukol sa buhay ni Rizal ay masasabi mong hindi ito tunay na tungkol sa kanya bagkus ay sa kanyang mga aral na iniwan para sa mga kabataang kanyang inaasahan rin. Makikita rin na tunay ngang isang simbolo ng kabayanihan ang kanyang mga kinilos at isinagawa, hindi man gumamit ng tabak, siya’y nanatiling naglingkod, nagmahal, at namatay para sa bayan.

Isang maaliwalas na panahon ng makita ko ang isang matandang naglalako ng mga kakanin kasama ang kanyang dalawang apo na isang babae at isang lalake. Sa kanilang paglalakad ay napadaan sila sa isang grupo ng mga kabataan na ’tila ba may ipinaglalaban. “Sigaw ng kabataan para sa kalayaan,” ito ang una kong narinig na nasambit ng matanda. Hindi maipinta ang reaksyon ng dalawang bata ngunit maya-maya rin ay tumakbo ito palayo sa kanilang lola upang maglaro. Napaupo na lamang ang matanda at nagpahinga muna.

Sa kabilang dako, isang simpleng kainan ang aking napansin na ’tila ba may kakaibang ingay. Nakita ko ang isang pamilyang sama-samang kumakain, sa aking paglapit ay aking narinig ang kanilang mga tawanan, kwentuhan at asaran.

Bumalik ako sa pagkakatingin sa matanda at nakita ko ang dalawang lalaking magkahawak kamay na tumabi sa matanda. Kita ko ang ngiti ng matanda at nakipagkwentuhan sa dalawa. Sabay-sabay silang nagtawanan kasabay ng pagbalik ng dalawang batang masayang nakapaglaro.

Tinignan ko ang oras at malapit na palang magdapit-hapon, sa ‘di kalayuan ay aking natanaw ang isang magtotropa, may iba’t ibang pananaw at masayang naglalakad.

Kahit anong edad, kahit anong yaman, kahit anong kasarian, at kahit ano mang paniniwala bago magdapit-hapon ay kayang mapag-isa. Ito ang pinangarap ni Rizal sa kanyang naka-kadenang bayan.

Ngayon, naintindihan ko na, kung bakit pagkakapantay-pantay ang hinangad ni Rizal, sapagkat ito ang daan tungo sa tunay na kalayaan ng bayan.

Rizal, Watawat, at Kalayaan

Retrieved from http://malacanang.gov.ph/75572-ang-pinagmulan-ng-mga-sagisag-ng-ating-bandilang-pambansa/

Nagbigay-daan nga ba ang pagkakakulong at kamatayan ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal sa tunay na pagkalaya ng ating bansa? O lalo lang tayong nagmukhang kaawa-awa sa kamay ng mga naghaharing-uri at maging rason para tuluyan tayong sumuko at magapi?

Tatlong daan at tatlumpung taon ng pagkakasakop ng mga Espanyol bago maiwagayway ang watawat na sumisimbolo sa kalayaan ‘daw’ ng bansa. Itong watawat na ito na may apat na bituin kasama na ang malaking simbolo ng araw at ang kulay puti, asul, at pulang may kanya-kanya ring nais ipahayag sa bawat mamamayan ng mundo. Itong mga kulay na naririto ay mapapansing may pagkakatulad sa watawat ng Cuba kung saan dito ay pinangarap na makapunta ni Rizal bilang isang siruhano. Kagaya ng Pilipinas, ang Cuba din ay hawak ng Hari ng Espanya, kung kaya’t ganon na lamang kasidhi ang pagkagusto ni Rizal na tumungo dahil na rin upang mas mapag-aralan kung paano ito nakikibaka sa mga maling gawa at pang-aabuso ng Espanya. Ganoon na lamang ang pagmamahal ni Rizal sa kanyang bayan, mapalayo man sa pamilya at iniirog, makatuklas lamang ng mga makabagong paraan upang makalayang sa kadenang ipinulupot sa ating bayan at ng gamot sa lumalalang kanser ng bayan.

Matatandaan din na ang tatsulok ay siyang sumisimbolo sa hirarkiya ng mga uri ng tao sa bansa. Kung kaya’t atin ring mapapansin ang tatsulok na puti sa ating watawat na maaaring tumutukoy sa isa ring layunin ni Rizal na pagkakapantay-pantay, mayaman ka man o mahirap. Ang kanyang mga nobela gaya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay siyang tumutukoy sa pang-aabuso ng mga prayle at pagsasamantala sa ating bansa. Kung kaya’t hiniling din niya na magkaroon ng representasyon ang Pilipinas sa harap ng hukuman at batas Konstitusyon. Ang lahat ng mga layunin at naisin niyang ito ay ’tila hindi direktang nagtagumpay ngunit nagbigay-lakas sa mga Pilipino para patuloy na lumaban.

Tunay ngang kahahangaan ang mga pangarap na ito ng ating Pambansang Bayani, kung kaya’t tunay ngang marami ang maiinggit dahil kahit na siya ay nakakulong sa Dapitan ay marami siyang nagawang produktibo, hindi tulad ng karamihan sa kasalukuyan. Sa Dapitan ay nakakolekta ng tatlong uri ng species ng hayop si Rizal, kung saan ito rin ay isinunod sa kanyang pangalan, ang Heller, Wandolleck, at Boetger. Dito rin ay kanyang naiukit ang El Ermitaño isang pigyurin na kanya ring ibinigay kay Fr. Pablo Pastells bilang isang regalo. At panghuli, habang nasa lugar na ito rin ay pilit siyang kinukumbinsi ng mga prayle upang magbalik-loob sa Simbahan at magretrak.

Ngayon, ating ibalik ang naunang katanungan, nagbigay-daan nga ba ang pagkakakulong at kamatayan ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal sa tunay na pagkalaya ng ating bansa? O lalo lang tayong nagmukhang kaawa-awa sa kamay ng mga naghaharing-uri at maging rason para tuluyan tayong sumuko at magapi?

http://malacanang.gov.ph/75572-ang-pinagmulan-ng-mga-sagisag-ng-ating-bandilang-pambansa/

https://gaseragroup.wixsite.com/joserizalhumanrights/si-rizal-sa-mga-usapin-ng-mga-lumad

Tinig ng Isip

Isang maaliwalas na panahon ng ako ay naglalakad ng biglang may isang di katandaang lalaking patuloy na humahabol sa akin. Tumigil ako sa aking paglalakad at tinignan ang kanyang mukhang wari ba’y nagmamakaawa. Mga bulung-bulongan ang aking narinig mula sa aking tabi at sinabing, “Mukhang ang lakas pa naman niya pero bakit siya namamalimos.” Bigla kong naalala na siya ang lalaking aking binibigyan ng pagkain habang siya’y nakaupo sa ilalim ng mainit na sikat ng araw. Sa aking pagkakatitig sa kanya ay iba’t ibang tanong ang namuo sa aking isip. Ito nga ba ang magagawa na lamang ngayon ng mga mahihirap? Ito nga ba ang mga Pilipinong pinangarap ni Jose Rizal sa kanyang bayan? Bigla ko na lamang siyang iniwan at nagkunwaring hindi ko kilala.

“In the Philippines one’s own and another’s faults, the shortcomings of one, the misdeeds of another, are attributed to indolence.”

Katagang tumatak sa akin habang pilit na iniiwasan ang katotohanan sa mundo. Mga salitang isinulat ni Rizal upang ipagtanggol ang kanyang kababayan laban sa akusasyong tamad ang mga Pilipino. Tunay nga sigurong hindi nagkakalayo ang Pilipino noon at ngayon.

Sa paglalayag ng mga Espanyol noong ika-15 siglo ay kanilang natagpuan ang Pilipinas, hitik sa mga yamang-likas at yamang-tao. Pinakita ng mga unang Pilipino ang pagiging maalaga sa kanilang bisita at pakikipagkaibigan. Ayon din sa aklat ni Rizal na The Indolence of the Filipino ay sadyang noon pa lamang ay nakitaan na ng kasipagan ang mga Pilipino, nagkaroon ng kalakalan sa Tsina, Japan, Saudi Arabia, Malaysia at iba’t iba pang lugar sa gitnang Asya.

Dumating ang araw at lubha pang nagkaroon ng interes ang Espanya at ginamit ang lakas at armas upang ang kapangyarihan ay mapasakanila. Pinatupad ang polo y servicio kung saan sapilitang pinagtrabaho ang mga kalalakihan at hindi man lamang binigyan ng pagkakataon na makasama ang kanilang pamilya sa matagal na pagkakataon. Pangalawa ay tanging ang kalakalan mula sa Mexico at Espanya lamang ang pinagbigyan rason kung bakit ang mga negosyo ng mga Pinoy ay unti-unti na ring nawala. Pangatlo, ang edukasyon bilang isang susi sa tagumpay ay hindi rin ganoon kaganda, tinuruan ng iba’t ibang dasal na hindi rin naman naisasapuso, at mga araling wala namang mga aplikasyon sa tunay na buhay kasama na rin dito ang pagpapakalat na ang mga mahihirap ang mas may mabilis na pagkakataong makapunta sa langit. Pang-apat ay ang kanilang pagpapakilala ng iba’t ibang uri ng sugal upang may mapagkalibangan na hindi nagdulot ng magandang epekto sa bansa. Panghuli ay ang malaking buwis na ipinapataw na lubhang nakakaapekto sa mga nagsisikap na Pilipino. Ito ay ilan lamang sa mga dahilang nakita na nakabase sa historya at sa sulatin ni Rizal. At ito ang ilang sa mga puntong nais ipaglaban ni Rizal, ang dahilan sa kabila ng mga alegasyon ng Espanya ukol sa katamaran ng mga Pinoy.

Di mapagkakailang ang mga ganitong ganap ay hindi eksakto ngunit direktang nakikita at nararanasan din sa ngayon. Ang lalaking humabol sa akin ay hindi simbolo na ito’y dulot ng katamaran ngunit epekto ng kahirapan. Ang mga mahihirap ang siyang lubos na naaapektuhan at patuloy na nalulubog sa hukay ng kakapusan. Minsan ba’y naisip mo rin ang mga badjao na nakanta sa mga jeepney at pakalat kalat sa daan? Ang karamihan ay mga kalalakihang malalakas pa ngunit walang makuhang trabaho, ito’y maaaring dulot ng diskriminasyon pagdating sa pangkat etniko kung saan ganto rin ang nangyari noon matapos tawagin ang mga Pilipino bilang mabababang uri ng tao sa lipunan. Na kahit gaano pa kalakas ang isang tao, kung pinagsasarahan naman ito ng oportunidad na umunlad ay wala ring mangyayari.

Ang bansa sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakaalis sa pagkasakop. Kung dati ay sinakop tayo ng mapagsamantalang Espanyol at ginamit ang maraming yaman nito, ngayon ay ang patuloy nating pagkasakop sa makapangyarihang Kapitalismo na siyang lalong nagpapahirap sa mga mahihirap. Ito na ang patuloy na gumagamit at nagmamanipula ng karamihan sa ating likas na yaman maging sa yamang-tao. Hindi tunay na tamad ang mga Pilipino noon at ngayon, ngunit isa lang ang sigurado, ito’y ang kawalan ng oportunidad nito na ipakita ang kanilang kakayahan marahil dahil sa mga kwalipikasyong hinanap nito sa mga tao na hindi naman nila makamit.

Sa kabila ng sinasabi nila na ang buhay ay nakukuha lamang sa diskarte, edukasyon pa rin ang mahalaga. Ang mga nakapagtapos ng kolehiyo ang siyang mas nakakapagbukas ng pinto upang magkaroon ng mas malalaking benepisyo at sahod na siya ring nagiging dahilan upang mas paunlarin pa ang kanilang sarili at patuloy na magkaroon ng masarap na buhay. Sa kabilang banda, ang mga hindi nakapagtapos ay mayroon lamang maliit na tsansang umunlad, ang iba ay nagreresulta sa pagkabulag sa mga bagay na maaari pang mangyari. Ang kawalan ng pag-asa ang nagtutulak sa kanila na kumapit na lamang sa patalim nang sa gayon ay makaraos sa bawat araw na hinaharap. Kung kaya’t maikokonekta na noon pa lamang ay hindi na tama ang pinagsasabi ng mga prayle ukol sa mas mabilis na pagkapunta ng mahirap sa langit, dahil maging sa ngayon, mas pinipili ng mahirap na gawin ang gusto na lamang nila kahit na mali pa. Hindi na naiisip kung dapat pa bang kumapit sa Panginoon dahil sa unti-unting pagkapuwing hanggang sa pagkabulag sa katotohanan ay napipilitang magkasala. At sa panahong pinili nilang magbago ay sila pang inaakusahan, sila pang pinagdidiskitahan at pinapahirapan.

Ito ay mga patunay na ang paghihirap at pasakit ay patuloy na nangyayari hindi dahil sa katamaran ng tao, kung hindi dahil sa pagsasara ng mataas na sektor sa pintuan ng tagumpay. At sa iba nama’y sarili na ring disiplina ang nagkukulang dahil sa maling paniniwalang iniwan ng nakaraan at sa takot na maaaring kaharapin sa hinaharap.

Sa aking paglalakad ay muli kong nasilayan ang ngiting palaging binabahagi sa akin ng lalaki. Doon ay ang huling ngiting nasilayan matapos itong mabaril ng mga pulis na inakalang siya’y magnanakaw.

Ito ang dulot ng kahirapang hindi sanhi ng katamaran kung hindi ng panlalamang ng mga Espanyol at mga Kapitalistang silang naghahari.

Continue reading “Tinig ng Isip”

Alin ang Dapat Ikonsidera? (Reaksiyon sa Isyu tungkol sa Retraction ni Dr. Jose Rizal)

Kailangan ng isang bayan ang tunay na kalayaan. Maraming beses na ring naloko at napasailalim ang bansa sa matitilos na kuko ng mga dayuhang mananakop. Iba’t ibang mga pamamaraan na ginamit para lamang makamit ang reporma maging ang pagkalaya na rin. Ang mga pag-aalsa at rebolusyon laban sa mga Espanyol ang isa sa mga naging pangunahing usap-usapan magpasahanggang ngayon. Dahil din sa mga ito ay nakilala ang mga bayaning silang nanguna sa pagnanais na makawala sa hawla. Isa si Dr. Jose Rizal sa mga bayaning ito, ngunit ang kanyang nais na makamit ay pagbabago para sa bayan gaya ng pagrespeto at pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Espanyol. Ang kakaibang mapayapang pag-atake nito ni Rizal ay siyang nagpukaw ng atensyon nang mga Pilipino at lalo na sa mga prayleng Espanyol. Ginamit ni Rizal ang pluma at papel upang maisulat ang katotohanan sa pamamagitan ng metapora at analohiya na siyang nagpa-igting ng pasensya ng mga prayle. Ilan sa kanyang mga naisulat ay ang “Noli Me Tangere”, “El Filibusterismo” at maging ang kanyang mga sanaysay mula sa La Solidaridad na ayon sa mga eksperto ay may katungkulan sa pagmamalupit at di-makataong pakikitungo ng mga Espanyol at mga namumuno, marahil dahil na rin sa pagkamulat ni Rizal noong nag-aaral siya at nang bitayin ang tatlong Pilipinong paring martyr na GOMBURZA. Itinuring ng mga Espanyol ang mga ito bilang paglaban sa Simbahang Katolika at sa Espanya, at pagtalikod sa relasyon sa Panginoon ngunit sa kabilang dako ay nagpalaya sa isip ng mga Pilipino at nagwasak sa ideya ng kolonyalismo.

Ipinatapon sa Dapitan hanggang sa nahatulan nga ng kamatayan ang Pambansang Bayani dahil sa pagtuligsa nito sa Simbahan. Paulit-ulit na pinilit upang magbalik-loob ngunit walang nangyari. Isang pangyayari habang nasa Dapitan si Rizal ay ang pagdating ni Josephine Bracken na kalauna’y kanyang naging kabiyak. Hindi nakasal sa simbahan ang dalawa marahil sa pagtanggi ng pari at pagsabi na magbalik-loob muna si Rizal bago sila ikasal. Gumawa ng sariling kasal ang dalawa na hindi kasama ang mga prayle at hindi sa Simbahan.

Bago mamatay si Rizal ay sinasabing meron itong sulat na iniwan at ang nakapaloob ay may katungkulan sa pagbawi niya ukol sa kanyang mga kinilos, sinulat, at inugali na kontra sa Simbahang Katolika at sa Espanya. Lalo pa itong napagtibay dahil sa mga natagpuang mga sulat ng mga pari noong ika-19 na siglo at nang natagpuang orihinal na sulat ni Fr. Manuel Garcia, C.M. noong Mayo 18, 1935.

Ayon sa pahayag ng isang guwardiya sa selda ni Rizal, bago siya dinala sa Dapitan ay may sinulat na sanaysay si Rizal na ang tawag ay ang retraktasyon, nandun din sa kanyang piitan ay dalawang paring Heswita na sina Padre Estanislao March at Padre Jose Vilaclara, at mayroon pang dalawang sundalong kasama. Sa sanaysay ay nakasulat na ninais ni Rizal na bigyan siya ng prayer book nang sya ay tanungin kung ano ang kanyang kailangan. Sinabi rin na bandang alas-10 ng umaga ay makikitang nakipag-usap si Rizal sa mga paring Heswita na maaari raw may kaugnayan sa usapang pangrelihiyon.

Ika-3 ng hapon nang may dalawang sundalo ang pumasok sa death row ni Rizal, sina Eloy Maure at Juan del Fresno, doon ay mayroon silang pinirmahan na sinulat ni Rizal, hindi malabong ito nga ang rekraktasyon. Itong dalawa ay makikitang siya ring nakapirma bilang mga saksi sa dokumento ng rekraktasyon.

Isa pang malakas na ebidensya na kailan lamang ay pinaubaya sa Direktor ng Museo ng Pilipinas ay ang binigay na aklat ni Rizal sa asawa nitong si Josephine Bracken, dahil sinasabi rin na sila raw ay kinasal bago barilin si Rizal, ang “De La Imitacion de Cristo” kung saan ito ay isinulat ni Thomas á Kempis at may sinulat si Rizal na ito ay para sa kanyang di-masayang asawa. Mapapansin na ang pabalat nito ay may krus na siya ring isa pang sumisimbolo ng pagiging Kristiyano niya at ang aklat mismo na maaaring na nagrerepresenta nang kanyang paglakad sa mga daang nilakaran ni Kristo.

Kopya ng ‘De La Limitacion de Cristo’ na may sulat ni Rizal. Courtesy: Jeremy Barns, GMA News Online.

Sa kanyang isang tula bago lumisan ay nabanggit niya ang krus bilang isang palatandaan sa kanyang libingan kung saan ito nga rin ang maaaring kanyang nabanggit sa kanyang pamilya.

Hindi rin malabong gumawa nga si Rizal ng retraksyon habang ito ay nasa Dapitan pa lamang. Ayon sa isang sulat mula kay Antonio Obach, sinabi ni Rizal ang tungkol sa kanyang mga mapapala at kondisyon kung isasagawa nya ito: “Conditions I ask to retract references to the matter of the friars, and no longer meddle with them.” Mapapansin natin kung gaano na lamang din kanais ni Rizal makalaya at makapag simula ulit ng panibagong buhay. Ang paghangad ng kalayaan, maibalik ang nawala sa pamilya, at ang 50,000 pesos para makapagsimula ng negosyo. Maaaring ang nasabi ding itong retraksyon ay isa lamang palabas sa pagnanais na makakuha ng malaking halaga ng pera mula sa Espanya upang magamit sa pagbuo ng mga armas na siyang magiging kagamitan para may pantapat ang Pilipinas sa Espanya. At mula rito ay magsimula silang humudyat para sa rebolusyon.

Ang mga ito’y maaaring may katotohanan nga, ngunit kung iisipin ay sa kabila ng pagretract ni Rizal, hindi siya direktang sumuko dahil sa mga prayle, kung hindi dahil sa paniniwala niya sa Panginoon. Maaaring nais lamang din nang mga prayle na malinis ang kanilang pangalan gayong ang Katolisismo sa Pilipinas ay may malaking impluwensya sa mga tao nito. Matatandaan ngang isa sa tatlong rason ng pagsakop ng mga Espanyol ay ang God, na sila nilang pinalaganap ang paniniwala sa mga Pilipinong pinaniniwalaan pa lamang ay animismo. Kung kaya’t ganoon na lamang nila nais malinis ang pangalan ng Simbahan dahil sa impluwensiyang dulot ng ideolohiya ni Rizal.

Maaari rin namang ang pagretract na ito ay isa lamang palabas ni Rizal upang makamit ang kanyang mga kondisyon ngunit naging isang naudlot na planong Kilusang Pangrebolusyon N hindi napagbigyan ng panahon. Ang pag-umpisa sanang pagpapa-apoy sa pusong nagngangalit ay pinatayan na agad ng sindi ng isang mabilis na bala ng baril.

Gayunpaman, hindi na kailanman mababago pa ang tingin ng mga Pilipino sa ideolohiyang binigay ni Rizal sa kababayan nito. Maaaring binigay ni Rizal ang puso sa Panginoon ngunit hindi sa prayle at sa Simbahang Katolika. O kaya nama’y na ang mga ito ay isa lamang palabas ng mga prayle sa paglilinis ng kanilang pangalan. At isa pang maaaring dahilan ay isang planong udlot na siya sana’y isang daan tungo sa rebolusyon. Itong mga dahilan sa likod nang pagretract ni Rizal ay nananatili pa ring palaisipan at nakadepende sa kung paano ang pagtingin sa sitwasyon ngunit kailanman ay hindi nito kayang hadlangan ang pagtindig at katapangang ipinamalas ng ating Pambansang Bayani.

REFERENCES:

Chua, X. (2016, December 29). Retraction ni Jose Rizal: Mga bagong dokumento at pananaw. GMA News Online. Retrieved on October 11, 2019. Retrieved from: https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/artandculture/594027/retraction-ni-jose-rizal-mga-bagong-dokumento-at-pananaw/story/

Paraiso, BA. (2012, September 19). Did Rizal Consider Retracting While in Dapitan?. National Historical Commission of the Philippines. Retrieved on October 11, 2019. Retrieved from: http://nhcp.gov.ph/did-rizal-consider-retracting-while-in-dapitan/

Jose Rizal University. (n.d.). Texts of Rizal’s Retraction. Commision on Higher Education. Retrieved on October 11, 2019. Retrieved from:http://www.joserizal.ph/rt02.html

Jose Rizal University. (n.d.). Analysis of Rizal’s Retraction. Commision on Higher Education. Retrieved on October 11, 2019. Retrieved from:http://www.joserizal.ph/rt02.html

PEN (Pag-ibig, Edukasyon at Nasyonalismo)

Hindi birong isipin na mamuhay sa isang lugar kung saan hindi mo nakasanayan itong panirahan. Mahirap magsimulang muli at panibagong pakikibaka. Minsan mo na rin bang naranasang mamuhay na para bang wala ka nang malapitan at makapitan marahil dulot ng iyong palagay na tamang hangarin ngunit hindi pala sa iba? Maaaring ito ang isa sa mga naranasan ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ng sya ay ipatapon sa Dapitan marahil upang maisipang mabuti ang pagbabalik-loob sa Simbahang Katoliko. Bagama’t ang lugar na ito ay isang islang puno ng kasaysayan at hitik likas na yaman at isa rin sa magagandang isla sa Pilipinas ay hindi pa rin naging madali sa umpisa ang kanyang paninirahan rito, naranasang mabagot, mag-isip isip, at gawin ang mga bagay na makapaglilibang sa kanya. Sa kanyang paglalagi rito ay marami siyang natuklasan kung kaya’t ipinakita sa pelikula ang tatlong paksang nais ipakahulugan sa atin ng naturang pelikulang ginanapan ni Albert Martinez: ang kapangyarihan ng pag-ibig, pagmamahal sa edukasyon, at ang nasyonalismo.

Kilala si Rizal bilang isang matalinong Pilipinong nabibilang sa mga ilustrado na nakapag aral sa Espanya at doon nasulat ang kanyang iba’t ibang aklat nagmulat sa kanyang mga kababayan. Nakapagtapos din siya sa larangan ng medisina bilang isang ophthalmologist kung saan napagaling nya ang lumalabong mata na rin ng kanyang inang si Teodora o mas kilala sa palayaw na Doña Lolay. Dito ay napatunayan ni Rizal kung paano ginagamit ang edukasyon na hindi lamang ito isang kaalamang para makalamang sa kapwa lalo na sa mga walang aral.

Taong 1892 ng mapatapon si Rizal sa Dapitan, duon niya tinayo ang kanyang unang paaralang nagturo hindi lamang pang akademiko kung hindi maging ang pakikibaka sa mga Espanyol at mga kaaway. Duon ay dinala si Josielito Asiniero (Junell Hernando) ng kanyang mga magulang upang pag-aralin sa ilalim ng gurong si Rizal. Isang di malilimutang pangyayari ay ang pagsubok ng guro sa binata na pagkuha ng kanyang baston sa kagubatan sa gitna ng gabi. Doon ay natutunan ang tunay na katapangan, ang mapagtagumpayan ang pagkatakot sa kahit na ano mang bagay maski na sa mga lamang-lupang minsan na ring nakwento ng guro sa binata. Maging ang paglaban gamit ang eskrima at arnis ay kanya ring ibinahagi sa mga mag-aaral at gamitin ito kung kinakailangan. Itong mga unang kaalamang ibinahagi ng kanyang guro ay nagturo kung paano ba tayo hinuhubog ng tunay na edukasyon. Isang aspetong gaya ng susi ay magbubukas sa ating isipan upang umunlad sa buhay at ating pag-iisip, nang sa gayon ay di mapag-iwanan nang patuloy pang umuunlad na mundo.

Hindi lang kilala si Rizal bilang isang dakilang guro kung hindi maging isang dakilang mangingibig. Habang nasa Dapitan ay nakilala nya si Josephine Bracken (Amanda Page). Dinala nito ang kanyang amang bulag na siya ring minsan ay nagsasamantala sa kanya upang ipagamot kay Dr. Rizal. Dahil na rin sa matatamis na salita at kilos ng doktor ay hindi mapagkakailang nahulog na nga ang puso ng dayuhang ineng sa binatang Pilipino. Hindi naging madali ang pagsasama ng dalawa, lumapit ang mag-asawa sa prayle sa kahilingang maikasal sila sa simbahan ngunit tumanggi ito dahil pa rin sa hindi pagbabalik-loob ni Rizal sa simbahan.  Nagsama pa rin ang dalawa at umabot sa puntong nalaglag ang dinadala ni Josephine dahil na rin sa pag-aakala ni Rizal at ng pamilya nito na ang asawa ay isang espiya ng Espanya at doon ay kaunting tumigas ang puso nito. Gayunpaman, bagama’t hindi sila kasal sa simbahan ay pag-ibig pa rin ang nanaig sa kabila ng mga pag-aakala at hamon ng mundo sa mag-asawa.

Sa tumatagal na paglalagi ni Rizal sa Dapitan ay tunay nga bang nawawalan na siya ng ganang lumaban pa kontra sa naghaharing puwersa ng mga Espanyol? Sa paglapit ni Pio Valenzuela (Noni Buencamino) kay Rizal upang ayain itong sumanib sa Kataas taasang Kagalang galangang Katipunan (KKK) ng mga Anak ng Bayan ay tumanggi ito at nagbigay na lamang ng suhestiyon na lumapit sa mayayamang Pilipino. Maging ang pagdating ng sulat na naghahaya sa kaniya upang pumunta sa Cuba ay tinanggihan niya rin. Balikan natin ang unang katanungan sa unang talata, tunay ngang ang magtagal sa isang islang malayo sa iyong nakasanayan ay nakakawalang pag-asa, minsan pa nga ay mararamdaman natin na sa kabila nang maraming taong nakikilala natin ay hindi pa rin tayo nagiging masayang tunay sa kadahilanang maaaring ang lahat ng ito ay pansamantala lamang. Pero sa kabila ng lahat ng ito, ang pag-ibig ni Rizal sa kanyang bayan ay hindi tuluyang nawala at muling nag-alab sa kanyang muling paglaya. Muli siyang lumaban hanggang sa kanyang kamatayan.

“As God has not made anything useless in this world, as all beings fulfill obligations or a role in the sublime drama of Creation, I cannot exempt from this duty, and small though it be, I too have a mission to fill, as for example: alleviating the sufferings of my fellowmen.” Itong pahayag na ito ni Jose Rizal ang nagpatunay na anuman ang hirap na kanyang dinanas sa loob at labas ng Dapitan ay hindi siya mapipigilan sa kanyang pagmamahal sa kanyang kapwa Pilipino. Ginamit niya ang panulat upang patuloy na lumaban. Ang lahat ng kanyang sakripisyo bilang isang doktor, guro, at manunulat kahit na hindi sumapi sa rebolusyong binabalak ng Katipunan at iniwan ang pag-ibig kay Bracken ay sa kadahalinang mahal niya ang kanyang kababayan. Makataong pag-iisip ang kanyang palaging isinasakatuparan, hindi isugal ang buhay bagkus ay payabungin itong isipan at mamuhay ng walang takot patungo sa tunay na pagbabago.

REFERENCE:
Jose Rizal Quotes. (n.d.). BrainyQuote.com. Retrieved October 6, 2019, from
BrainyQuote.com.Web site: https://www.brainyquote.com/quotes/jose_rizal_664761

Design a site like this with WordPress.com
Get started